Study: MERS virus match nakita sa paniki sa Saudi Arabia
Aug 23rd, 2013
ATLANTA (AP) — Natuklasan ng mga scientist ang misteryosong MERS virus sa paniki sa Saudi Arabia.
Sinabi ng isang international research team na ang bat virus ay ang eksaktong katugma ng unang natuklasang human case ng Middle East respiratory syndrome. Ang sample ay nakolekta ilang milya mula sa bahay ng pasyente.
Ang tuklas, iniulat noong Miyerkules ay itinuturing na mahalagang development sa paghahanap sa pinagmulan ng MERS, ang nakamamatay na sakit sa respiratory na ikinababahala ng mga opisyal ng kalusugan sa buong mundo.
Ngunit malaki ang posibilidad na may iba pa – marahil ay isa pang hayop – ang nagkakalat ng virus direkta sa tao, pahayag ni Dr. Ziad Memish, ang Deputy Minister of Health ng Saudi Arabia at lead author ng ulat.
Simula nang ito ay matukoy noong Setyembre, ang respiratory illness ay nakahawa na ng halos 100 katao, karamihan sa kanila ay nasa Saudi Arabia at Middle East. Halos kalahati ang nasawi.
Walang iniulat na kaso sa United States.
Ang mga paniki ay matagal nang pinaghihinalaang nagdadala ng virus dahil sa kilala silang nagdadala ng mga virus na katulad sa MERS, at nagkakanlong ng iba pang nakamamatay na virus, kabilang ang rabies at SARS.
Gayunman, ang pagkakatuklas sa genetic match ay hindi nangangahulugan na ang mga paniki na ang direktang salarin.
“There is no evidence of direct exposure to bats in the majority of human cases of MERS,” sinabi ni Memish sa isang pahayag.
Iniulat ang mga senyales ng MERS-like viruses sa iba pang hayop, kabilang ang mga camel. Iniimbestigahan ng mga researcher ang iba pang species, sinabi ni Dr. W. Ian Lipkin ng Columbia University, isa pang awtor ng pag-aaral.
“This is but the first chapter” sa imbestigasyon ng global team, sinabi ni Lipkin sa isang pahayag.
Kinolekta ito ng mananaliksik sa mahigit 1,000 samples mula sa pitong bat species sa Saudi Arabia. Ang exact match ay nakita sa fecal sample mula sa isang Egyptian Tomb Bat.
Inilabas ng journal na Emerging Infectious Diseases ang pag-aaral noong Miyerkules.